Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Radiation sa eroplano

Isa rin palang peligro sa paglalak­bay sa pamamagitan ng eroplano ang cosmic radiation dahil sa taas ng pag­lipad nito. Para nga raw nasa tabi ka ng isang nuclear reactor kapag lulan ka ng eroplano.  Ito ay dahil, ayon sa mga eksperto, habang tumataas sa himpapawirin ang eroplano, napapalapit ito sa outer limit ng atmospera ng daigdig.

Kapag nakatuntong ang mga paa natin dito sa lupa, napapangalagaan tayo mula sa maliliit na atomic particle na nagtatalbugan sa buong kalawakan dahil sa magnetic field ng daigdig. Pero, kapag lumilipad na tayo sa taas na 39,000 talampakan, matatamaan ng mga atomic particle na ito ang mga selula ng ating katawan kapag nakipagbanggaan ito sa atmospera ng daigdig.

Ayon sa National Aeronautics and Space Administration ng United States, ang mga piloto, pasahero at ibang lulan ng eroplano  na bumibiyahe nang napakataas sa himpapawirin ay mas higit na nalalantad sa energized atoms na lumiligwak sa atmospera.

Ipinapaliwanag pa sa ilang datos sa usaping ito na numinipis ang hangin sa high altitude. Habang papalayo ka sa daigdig, kumokonti ang mga molecule of gas sa bawat volume ng space. Sa mas manipis na hangin, konti na lang ang mga molecule na maaaring sumalag sa mga cosmic rays o radiation na nagmumula sa outer space. Habang nababawasan ang atmospheric shielding, lalo kang nabibilad sa radiation.

Pero, sinasabi naman ng mga eksperto na hindi naman sapat ang radiation na ito para magkaroon ng peligro sa kalusugan ng mga piloto, flight attendant at pasahero.  Pero maaaring magkaproblema ang mga taong namemeligro na sa sakit na kanser.

Kadalasan, batay sa mga ulat, ang mga eroplano ay pinapasok ng cosmic radiation na nagmumula sa mga exploding star sa labas ng solar system.  Nabibilad din ang mga ito sa solar radiation kapag sumisiklab ang surface ng Araw.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Tinitiyak naman ng mga eksperto na malayo sa peligro ang radiation na pumapasok sa mga eroplano. Ayon sa Health Physics Society, isang organisasyon na may espesyalisasyon sa kaligtasan sa radiation, ang isang biyahero ay kailangang sumakay sa eroplano ng mahigit 5,000 oras kada taon o limang ulit na tulad ng mas maraming oras na ipinapahintulot sa mga piloto sa haba at dalas ng paglipad bago sila malagay sa panganib.

Pero, sa kaso ng mga astronaut o sino mang maglalakbay sa kalawakan o sa labas ng Daigdig, mas malaki ang panganib nila sa radiation dito. Isa itong problemang sinisikap malutas ng mga dalubhasa lalo na hinggil sa paglalakbay patungo sa planetang Mars.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: