Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - ‘Silent killer’

MILYONG tao ang namamatay sa mundo dahil sa air pollution na tinaguriang “silent killer”, ayon sa report ng World Health Organization (WHO). Karamihan sa mga namamatay dahil sa air pollution ay nakatira sa urban areas. Nakakulapol umano sa mga siyudad ang maitim at nakakalasong usok at nalalanghap ng mamamayan. Paggising pa lang sa umaga, hanging may lason na ang nalalanghap at nagiging dahilan nang dahan-dahang kamatayan.

Ang Maynila, Baguio, Cebu ay kabilang sa mga siyudad na malala ang problema sa air pollution. Sa Metro Manila, matagal nang may pag-aaral na isinagawa ukol sa grabeng air pollution. Sa isang pag-aaral ng UP-Diliman, ilang taon na ang nakalilipas, maaaring hindi na raw matirahan sa mga susunod na panahon ang Metro Manila dahil sa grabeng air pollution. Ang smog (smoke at fog) na may lason ang nalalanghap araw-araw ng mga tao at dahan-dahan ang pagpatay. Nagdudulot ito ng sakit sa respiratory system.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga sasakyan ang nagdudulot ng grabeng pollution. Umano’y 80 percent ng emissions o usok ay galing sa mga tambutso ng sasakyan.

May nilikhang batas para masawata ang mga nagpaparumi sa hangin pero walang ngipin. Sayang ang pera at pagod para maipasa ang Clean Air Act of 1999 pero walang nakamit ang taumbayan. Nanga-nganib maubos ang tao sa Metro Manila kapag hindi napigilan ang nagpaparumi ng hangin.

Malaking hamon sa DENR, Metro Manila Development Authority at Land Transportation Office (LTO) ang malalang air pollution sa Metro Manila. Ipagpatuloy ng MMDA ang paghuli sa mga lumang jeepney para mabawasan ang air pollution sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa. Hindi sana ningas-kugon ang kampanya sapagkat ang mga lumang sasakyan na nagbubuga ng hangin na may lason ang pumapatay sa mga tao.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: